IT o Comsci?

May 25, 2007

    Ilang buwan na rin ang nakalipas since nung mapagdesisyunan ko at mapagisipan ko na magshishift na nga ako ng course tapos ilang buwan rin ng pagpupuyat ang inilaan ko para lang pag-isipan ng mabuti kung aalis na nga ba ko ng Peyups at yun na nga napagdesisyunan ko na ngang umalis at iwan na ang UP kong mahal. Kamaikalan lang ay kinuha ko na yung aking TOR o transcript of records. Dalawang taon din ang itinagal ko sa unibersidad. Marami akong mamimiss sa UP kabilang na dito ang kapaligiran, yung mga pagkain at syempre yung mga tao. Ayoko na munang isa-isahin kung anu-ano o sinu-sino yung mga mamimiss ko sa up dahil baka bumaha ng luha at kaemohan sa blog entry na to. 

 

    Madami ang nagtatanong kung bakit daw ba gusto magshift ng course. Ang madalas kong sinasagot eh dahil “walang future sa course ko” na gawa gawa ko lang naman dahil ang totoo eh sa lahat ng kurso may kinabukasan, may opportunity. Sabi nga nila, “wala sa course yan, nasa tao yan, ikaw ang gagawa ng kinabukasan mo “.  Isa pang kadahilanan kung bakit gusto ko magshift ng kurso ay dahil sa nahihirapan akong magpaliwanag kapag tinatanong ako ng mga tao lalo na yung mga kamaganak ko kung ano bang kurso ang kinukuha ko…

  • Scenario 1 (matandang kamag-anak)

kamag-anak: Iha, anung course mo? 

 

Ako: ah eh.. Human Eco po.

 

kamag-anak: *kunot noo* ano yun? tungkol san yun?

 

Ako: (idedefine lang ang Human Ecology) Ang Human Ecology po ay yun po yung relationship ng human between their natural and social environment. Pinagaaralan po namin yun.

 

kamag-anak: O  tapos, ano nga yun?  Ano ngang meron dun? Ano namang mapapala mo  sa pag-aaral nun?

 

Ako: (isip ng matagal, sasagot ng nonsense na sagot) ah eh…Human Ecologist po.

 

Kamag-anak: Ano kamo?

 

Ako: Ah kase po ganito po yun…may tatlo po kaming majors which is Family Dev..(titingin sa kamaganak, si kamaganak eh naghihikab na)…Ah sa totoo po nyan eh masyado po kaseng general yung Human Eco..kaya pede po kami kahit san, Actually po eh Pre-med at Pre law po yun. Pede po akong magabogado o di naman kaya eh doktor.

 

kamaganak: Nakow, iha por syur titser rin lang ang bagsak mo nyan, wala kang kinabukasan diyan, kung ako sa yo eh magnanarsing na lang ako, yayaman ka agad dun. 

 

 Ako: ngiti lang..(blood pressure: 200/100 mmhg)

———— 

  • Scenario 2  (bagong kakilalang nursing student na kaedad ko na hindi tagayupi)

 

Nursing student: uy tin,  ano nga palang course mo?

 

Ako: BS Human Ecology

 

Nursing student: Uy, bago yun ah. Ano yun?

 

 

Ako: Basta Pre-law yun at Pre-med, pede kaming mag abogado o kaya doktor, kung hindi naman eh malamang sa government agencies kami magtatrabaho pagkagraduate.

 

NS:  government? (tonong nadidiri) talaga? owww…in demand ba yan sa abroad?

 

Ako: Di ko alam eh.

 

NS: ay ganun? kase ako pagkagraduate  eh fly agad ako abroad masyado kase kaming in demand sa abroad eh.

 

Ako: *roll eyes* ganun ba? o sige pakasaya ka dun ha…hinaan ko muna yung aircon lakas eh.

 

Nursing student: *lingon sa likod* san yung aircon? 

 

<a true to life story> 

   Pangalawa sa kadahilanan kung bakit gusto ko magshift ay dahil sa hindi ko naiimagine ang sarili ko 10 years from now na masayang nagtatrabaho sa field ng Human Ecology. para sa akin masasabi mo lang sa sarili mo na masaya ka sa kursong kinukuha mo kung maiimagine mo ang sarili mo na siyang-siya sa pagttrabaho gamit ang tinapos na kurso. Halimbawa kung ikaw ay isang Comsci graduate, makikita mo ang iyong sarili na papetikspetiks lang sa pagpprogram kung graduate ka naman ng medisina maiimagine mo ang sarili mo na masayang nanggagamot may bayad man o wala. 

 

    At ang ikatlong dahilan, gusto ko magshift dahil wala akong hilig sa Ecology o sa Human Ecology. At dahil nga hindi ko yun hilig eh nawawalan ako ng gana pagaralan yung mga lessons. Pero sa kabutihang palad kahit na ni minsan hindi ako nagpakita ng dedikasyon sa pagaaral sa mga major subjects ko at kahit na madalas ako magcram eh wala naman akong naibagsak na major. Wala rin naman akong tres, ang pinakamababa ko na ata eh 2.5 pero syempre kunyari importanteng sabihin yun. 

    

     Ngayon naman gusto ko ipaliwanag kung bakit ako aalis ng UP at kung bakit mas pinili ko ang ibang  kolehiyo  na kung tutuusin eh itinuturing ng mga taga UP na “others”. Una gusto kong umalis ng UP dahil gusto kong magsimula ulit. Hindi ako satisfied sa mga grades ko. Gusto kong makagraduate with latin honors. Gusto kong magkalaude. Gusto ko naman maexperience yung mahonor pagkgraduate dahil frustation ko yun simula pa elementary. Hindi sa hindi ako honor, ang totoo nga nyan eh lagi akong honor pero lagi na lang from 1st to 3rd quarter lang, pagdating na ng 4th quarter eh nasisibak ako. Kung pede nga lang sana eh hindi ko ipapacredit yung earned units ko sa UP dito sa bago kong school kaya lang di pede…sayang. Panira kase sa aking “laude dream” eh yung nagiisa kong singko sa Math 11 nung freshie ako. Nag-aral talaga ko sa subject na yun pramis! Yun nga lang ata ang subject na pinapagaralan ko nung sem na yun eh di pa ko pumasa. Ang sinisisi ko talaga kung bakit ako bumagsak dun eh yun instructor ko.  Madalas kasi syang bad mood kung pumasok sa klase kaya halos lahat kaming studyante nya eh takot sa kanya, di tuloy kami nakakapagisip ng maayos (palusot, hehe)…pero totoo apektado ako sa mood nya kaya di na ko nagtaka nung may magbigay sa kanya ng singko sa evaluation at hindi ako yun, sa totoo nyan eh mataas ang binigay ko dahil nga takot ako sa  kanya. Isa pa palang dahilan yan kung bakit gusto ko magshift. Gusto kong patunayan sa pamilya ko na magaling ako sa Math lalung-lalo na sa kuya ko na madalas akong laitin dahil mahina daw ako sa Math. Di man halata pero masakit para sa akin ang masabihan ng ganun ang masaklap pa dito eh kuya ko pa ang nagsabi sa akin, okey lang sana kung si Einstein eh, pero kuya ko? No way! 

 

    Ngayon ang pinoproblema ko makalipas ang tatlong buwan eh kung saan ako magshishift? Sobrang litung-lito na talaga ko kung BS IT o BS CS ang kukunin kong course. Parehong okey sa akin. Pareho ko rin gusto. 

BS Computer Science or Information Technology? 

Comments/Suggestions will be gladly appreciated. 

 

PBA09p7o1824

Posted by timawa at 1:27 am | permalink | comments[29]